Binibigyang-daan ka ng pagkakabit ng screen sa harap ng mga mata mo na i-augment ang realidad habang pinapanatiling walang hawak ang mga kamay mo. Ginawa ito ng Google noong 2013 nang i-release nito ang Glass, pero hindi ito totoong AR sa kahulugang iniisip natin ngayon. Ipinakita ng Glass ang digital na impormasyon sa isang flat display sa harap ng isang mata sa halip na 3D imagery na ipinapakita sa dalawang mata bilang bahagi ng environment. Ibinebenta pa rin ng Google ang Glass sa isang Enterprise Edition para magamit sa pagmamanupaktura, pangangalagang pangkalusugan, at iba pang industriya. Maa-access ng mga tagasuot ng Glass ang mga manual, video ng pagsasanay, detalye ng design, at espesyal na na-develop na app, nang hindi naaantala ang workflow nila.
Ang Microsoft Hololens at Magic Leap One ay ang mga pinakasikat na AR headset para sa gaming at entertainment. Nagiging mas mahusay ang mga headset na ito sa paghahalo ng environment sa totoong buhay at digital na content. “Kapag nagsuot ka ng Magic Leap, isa-scan nito ang silid at talagang bubuo ito — nang halos real-time — ng rough model ng silid,” sabi ni Seth Chaffee, Head of Immersive Production sa kumpanya ng produksyon ng AR/VR na Giant Astronaut. “Kaya't kapag nagsimula kang maglagay ng mga object sa environment mo, mas madaling imapa ang experience na iyon sa espasyo sa totoong buhay.” Kapag mas na-integrate ang mga headset na ito sa environment, kasama ang sonic environment (para makarinig ka ng mga tunog na nagmumula sa mga partikular na punto sa espasyo), mas magiging totoo ang experience.
Iniisip ng ilang developer ang isang mundo kung saan nakasuot tayong lahat ng smart glasses o contact lens sa lahat ng oras, pero wala pa tayo doon. Karaniwang malaki at may limitadong tagal ng baterya ang kasalukuyang AR glasses. Ang mas malala, makitid ang field of view ng tagasuot, na naglilimita sa kamalayan sa sitwasyon sa paraang posibleng mapanganib.
Pwede ring nakakapagod ang pagsubok na bigyang-katuturan ang mga 3D model na naka-overlay sa paningin mo sa totoong buhay. Inaabot nang anim na linggong halos tuloy-tuloy na pagsasanay bago matutunan ng mga fighter pilot kung paano gamitin ang mga heads-up display nila nang hindi naaabala ng mga overlay. “Maliban sa targeting reticle, halos gumagamit lang sila ng AR sa gabi para makita ang landscape,” sabi ni Alex Kauffmann, Project Lead sa Advanced Technologies and Projects ng Google. “Kapag may iba pang bagay na makikita, pwedeng ibaling ng mga overlay ang atensyon mo mula sa kung ano ang kailangan mong pagtuunan ng pansin, tulad ng iba pang eroplano o isang missile na papalapit sa iyo.”
Mayroon ding tanong kung gusto o hindi gusto ng mga tao na magsuot ng AR glasses bilang bahagi ng pang-araw-araw na buhay. “Ayokong mabuhay sa isang mundo kung saan naaabala sa ganoong paraan ang aking realidad,” sabi ni Kauffmann. Ayaw din ng ilang may-ari ng bar sa San Francisco na mabuhay ang mga parokyano nila sa ganoong mundo, na nagbabawal sa mga tagasuot ng Glass (“mga Glasshole”) na pigilan ang pag-record ng mga video camera nila.