Karaniwang nagsisimula ang mga 3D model sa paggawa ng isang mesh. Karamihan sa mga 3D software ang nagbibigay-daang matingnan ang mesh sa wireframe mode, kung saan makikita ng user ang mga linya at vertex na bumubuo sa 3D shape. Nilalaman ng mesh ang mahalagang data na ginagamit ng mga computer para maayos na ma-render ang 3D model. Kaya, natural na naging pangangailangan ang mga polygon dahil sa katangian ng kung paano ginagawa at ginagamit ang mga mesh nang real-time. Isa rin itong advantage ng 3D laban sa mga tradisyonal na anyo ng sining dahil maa-animate at mababago ang mesh nang real-time at hindi nasisira ang orihinal.
Ang isang 3D mesh ay isang lambat ng mga polygon, na idinurugtong ng mga linya at vertex. Mag-isa, ang polygon ay 2D shape lang na binubuo ng hindi bababa sa 3 vertex at linya, na tinatawag ding mga edge. Bumubuo ng mga face ang mga magkakarugtong na point na ito, na kadalasang tinatawag na mga triangle, quad, o N-Gon depende sa dami ng mga vertex at edge na bumubuo sa mga ito. Sa 3D modeling, tumutukoy ang N-Gon sa kahit anong polygon na may mahigit apat na vertex at edge at dapat na ituring na hindi kanais-nais ang mga ito. Inirerekomenda sa mabuting gawi sa topology ang paggamit lang ng mga tri at quad para sa pinakamalilinis na resulta.
Itinuturing na pamantayan sa 3D modeling ang polygon modeling dahil sa paggamit nito sa halos lahat ng komersyal na 3D software. Ginagamit ito para gumawa ng mga 3D mesh na may tumpak at sadyang topology. Mas gusto ang polygon modeling lalo na sa VFX at gaming. Dahil madalas na nangangailangan ang gaming ng maraming asset na ire-render nang real-time sa bawat pagkakataon, dapat maging alisto ang mga developer sa mga bilang ng polygon kaugnay ng mga limitasyon ng hardware. Magkakaroon ng iba-ibang limitasyon ang iba't ibang console at PC kaugnay ng kung gaano karami ang kaya ng mga ito. Kaya, mas gusto ng mga 3D artist na nagtatrabaho sa mga larangang ito ang polygon modeling dahil sa mas pinaigting na kontrol na mayroon sila sa bawat model.