Lahat ng kailangan mo para pumili ng panalong color scheme.

Ang isang kamangha-manghang aspeto ng color theory ay ang psychology ng kulay, na nagpapaliwanag kung paano binibigyang-kahulugan ng mga tao ang mga kulay at kung paano sila nagtatakda ng kahulugan sa mga ito. Nakakaimpluwensya ang kulay sa nararamdaman mo tungkol sa isang produkto, kung paano ka gumagawa ng mga desisyon, at kung paano mo binibigyang-kahulugan ang mga mensahe.

Dahil napakahusay na tool ng kulay para sa mga artist at designer, isang tiyak na paraan ang pag-aaral kung paano ito gamitin para ihanda ang iyong sarili sa tagumpay. Gusto mo mang gumawa ng bagong design ng logo o mag-mock up ng homepage ng website, makakatulong sa iyo ang pag-alam sa kahulugan ng mga kulay at mga kaugnayan nito na pumili ng pinakamaiinam na kulay para ilahad ang kuwento mo.

Gumawa gamit ang lahat ng kulay ng bahaghari.

Pula

Ang pula ay isang napakatinding kulay na may mga positibo at negatibong kaugnayan. Sa positibong bahagi, sumisimbolo sa lakas, marubdob na damdamin, at kumpiyansa ang pula. Pero pwede rin itong maging agresibo, na sumisimbolo sa galit, mga alerto, o panganib. Hindi ito nangangahulugang dapat mong ganap na iwasan ang kulay na ito, pwede mong sulitin ang dalawang bahagi ng kulay pula at ang matinding pakahulugan nito.

Illustration ng mukha ng isang taong nakapikit

“Halimbawa, kung nagde-design ka ng isang interaction sa UI o UX, huwag gumamit ng asul sa iyong button sa Pag-delete,” sabi ng designer ng UI at UX na si Aliza Ackerman. “Gusto mo ng kulay na nagsisilbing babala at nagsasabing, ‘Ide-delete mo na ito. Sigurado ka bang gusto mong gawin iyon?’”

Makakatulong ang pula na itulak ang mga taong gumawa ng mga desisyon nang mas mabilis. May pula sa color palette nito ang halos lahat ng brand ng fast food, dahil nagdudulot ng pisikal na reaksyon ang pula, mas ginugutom nito ang mga tao at pinupukaw ang gana sa pagkain. Gayundin, madalas na pinipili ng mga kumpanya ang pula para mag-anunsyo ng sale dahil nagbibigay ito ng pagmamadali sa mensahe.

Orange

Matingkad at puno ng sigla ang orange. Masaya, mapaglaro, nakakatuwa, makapangyarihan, at makatawag-atensyon — ito ang lahat ng katangiang pwede mong ilagay sa brand o mensahe mo gamit ang kulay orange. Maraming tech brand ang gumagamit ng orange, na posibleng dahil ipinapakita nito ang positibong pananaw at masiglang enerhiya na posibleng gustong iparating ng isang tech startup.

Dilaw

Nagpapahiwatig ng pagiging masayahin ang dilaw at nagdaragdag ito ng kapreskuhan sa palette mo. “Isa itong napakatinding kulay at talagang nakakakuha ng pansin, kaya kadalasang ginagamit ko ito nang kaunti lang bilang accent na kulay,” sabi ni Ackerman. Tulad ng pula, pwede rin itong magsilbing siren para sa mga alerto at naka-bold na mensaheng nagbibigay ng impormasyon.

Illustration ng mala-sirenang pigura na may mga lumalangoy na isda sa paligid nito
Illustration ng isang kwago

Berde

Isa ang berde sa mga pinaka-versatile na kulay sa color wheel, dahil sa laganap na paggamit dito sa pang-araw-araw na buhay. Ang pera, mga puno, pagkain, at mga ilaw-trapiko ay gumagamit lahat ng berde, at pwedeng magparating ng mga sobrang naiibang mensahe ang shade ng berde na pipiliin mo. Ang koneksyon nito sa kalikasan ay pwedeng magbigay sa iyong brand ng natural na pagkain o yoga studio ng organic at malusog na dating, habang madalas na ginagamit sa mga application sa pananalapi ang mas matingkad na hue nito. “Kapag pinapusyaw, pwede talaga itong maging nakakaginhawa at nakaka-relax, pero kung sobrang tingkad na berde ito, mas presko at masigla ito,” dagdag ni Ackerman.

Asul

Nakakakalma, nakakaginhawa, at nakakagiliw ang asul. Madalas na fail-safe at neutral na opsyon ito at pwede itong magkaroon ng propesyonal o magiliw na tone, depende sa kung paano mo ito gagamitin. Isang mapagkakatiwalaang kulay ang asul, at napakaraming brand sa lahat ng industriya ang sinusulit ang kulay na ito para bumuo ng positibong image para sa kanilang mga sarili.

Pwede ring magparamdam ng kalungkutan ang asul, na pinapatunayan ng mga karaniwang parirala gaya ng “feeling blue,” o “having the blues.” Ito ay bahagyang dahil nasa cold na bahagi ng color spectrum ang asul, kumpara sa mga warm na kulay tulad ng pula at orange. Pero muli, pumupukaw ng iba't ibang emosyon ang iba't ibang shade; tandaan ito kapag pumipili ka ng palette.

Purple

“Napakaeleganteng kulay ng purple. Sinasagisag nito ang katapatan, kaya sa tuwing gusto mong bumuo ng tiwala, magandang opsyon ang kulay purple,” sabi ni Ackerman. Bukod pa sa tiwala, madalas na itinuturing na misteryoso ang purple. Ang matingkad na kulay na ito ay nakagawiang feminine at mayroon ding sinaunang koneksyon sa royalty at karangyaan.

Ang mga pangkasaysayang implikasyon ng isang kulay ay hindi dapat diktahan sa anumang paraan kung paano mo ito gagamitin, pero dapat mong malaman kung paano pwedeng mabago nang hindi sinasadya ng mga malalim na nakatanim o hindi namamalayang kaugnayan gaya ng mga ito ang iyong mensahe

Illustration ng dalawang taong nakaupo sa harap ng camper van na may isang taong nakaupo sa ibabaw nito

Pink

“Maraming brand na nakatuon sa mga babaeng audience ang gumagamit ng pink,” sabi ni Ackerman. Halinhinang mapag-aruga at mapaglaro, makapangyarihang kulay ang pink na kadalasang ipinapaisip sa mga tao ang marubdob na damdamin, pagmamahal, at kabataan. Nagtataglay ng higit na pagmamadali ang intense na hot pink, habang ang minimal, dusty pink ay mas nakakakalma at neutral.

Magandang halimbawa ang pink ng kung paano pwedeng magbago ang kahulugan ng kulay kasabay ng lipunan sa paglipas ng panahon. Minsang itinuring na kulay ng “lalaki,” karaniwan nang iniuugnay ang pink sa femininity.

Puti

Kadalasang sumisimbolo sa pagiging simple, kadalisayan, at kalinisan ang puti. Madalas na ginagamit para magbigay ng contrast sa mga design mo, nagbibigay ang puti ng malinis at neutral na slate na pumipigil sa iyong masyadong damihan ang detalye ng design mo. “Naroon ito para magbigay ng breathing room sa iba pang element at para maging background para ipakita ang isang bagay na gusto mong mas pagtuunan ng atensyon,” sabi ni Ackerman.

Brown

Neutral at natural, ang brown ay “may bahagyang init at pakiramdam ng seguridad,” sabi ni Ackerman. Isa itong napaka-earthy na kulay na walang hirap na magpapakita ng mga element mula sa likas na mundo. Kung gumagawa ka ng organic at wholesome na dating, magandang kulay ang brown para isama sa palette mo.

Gray

Isang tunay na neutral na shade, halos palaging ginagamit ang gray bilang pangalawang kulay o accent. Magagamit ito para i-temper o i-complement ang anumang kulay, o para magsilbing payapang background. Sikaping iwasang i-block out ang design mo sa puro gray, dahil posibleng magulo nito ang balanse mula neutral at maging walang buhay at boring.

Grayscale na illustration ng isang taong naglalakad sa parke

Itim

Malakas na kulay ang itim na nagdaragdag ng kabigatan at katatagan sa iyong mensahe. Kapag ginamit nang kaunti lang, makakatulong ang itim para magmukhang pulido at minimal ang design mo. Nagiging mas popular na opsyon sa kulay ang mga itim na background sa web design, pero mag-ingat na hindi nito magawang masyadong madilim at mabigat ang interface mo.

Talagang may mga pagkakataon kung saan nailalahad ng isang mapangahas na splash ng itim ang kuwento mo sa paraang hindi kaya ng iba. Kung kailangan mong magdagdag ng edge sa design mo, o ng sopistikado at seryosong tone, isang classic ang black na hindi mahihigitan.

Mga tip para hasain ang iyong mga kasanayan sa pagpili ng kulay.

Nagtatakda ng iba't ibang kahulugan sa mga kulay ang iba't ibang kultura.

Gusto nating isiping isang universal na wika ang kulay, pero hindi palaging ganito ang kaso. Hindi palaging pareho ang ibig sabihin ng mga kulay sa iba't ibang kultura at bansa. “Sa kultura ng America, sumisimbolo ang kulay puti sa pagiging dalisay, inosente, at simple. Pero sa China, nauugnay sa kamatayan ang puti, at nagsusuot ng puti ang mga tao sa mga libing,” banggit ni Ackerman. Kung magde-design ka para sa isang global na audience, siyasatin kung paano nauunawaan ng iba pang kultura ang mga kulay para maiwasan ang hindi sinasadyang pagpapahayag ng maling mensahe.

Tatlong bilog na may mga salitang hue, saturation, at luminance sa loob ng mga ito

Mahalaga ang shade gaya rin ng kulay.

May tatlong element sa kulay: Hue, saturation, at luminance. Kapag gumagawa ka ng color palette, mahalaga ang shade at tone ng kulay mo gaya rin ng kulay na pinipili mo. Matapang, matatag, at mas masculine ang dark blue navy, habang airy, matingkad, at masigla ang light blue o baby blue. Kapag pumipili ka ng kulay, isipin ang maraming iba't ibang shade na tinataglay nito at ang iba't ibang mood na ginagawa ng mga ito.

Kung magsasalita batay sa isang UX perspective, madalas na pinipili ni Ackerman ang mas soft na shade, lalo na pagdating sa itim at puti. “Binababaan ko ng ilang antas ang brightness mula purong itim o puti. Palagi kong sinusubukang gumamit ng soft gray o medyo off-white, dahil mas madali itong tingnan para sa mga tao, lalo na sa mga screen.”

Pag-eksperimentuhan ang mga kumbinasyon ng kulay.

Pwedeng magkaroon ng bagong kabuluhan ang mga kulay kapag ipinares sa isa't isa. Ang mga kumbinasyon ng kulay ay pwedeng palakasin ang iyong mensahe, pahinain ito, o gumawa ng ganap na bagong kahulugan; ang pag-eeksperimento ang pinakamainam na paraan para gumaling sa pagpili ng tamang palette para sa trabaho. Subukan ang color palette generator mula sa Adobe para gumawa ng sarili mong color scheme at malaman ang tungkol sa ugnayan sa pagitan ng iba't ibang kumbinasyon ng kulay.

Nagsisimula sa mahusay na color theory ang matataas na kalidad na design. Ngayong alam mo na ang psychology sa likod ng mga kulay, handa ka nang gamitin ang color wheel sa ilan sa mga sarili mong design.


Contributor

Aliza Ackerman


https://main--cc--adobecom.hlx.page/cc-shared/fragments/seo-articles/do-more-illustrator-color-blade