DESIGN
Pag-unawa sa art ng mga ambigram
Kung naghahanap ka ng interesanteng ideya para sa logo o typography, oras na para tuklasin kung paano ka mabibigyan ng ambigram ng nakakaintrigang mirror-image na design.
Ano ang ambigram?
Ang ambigram ay isang salita o design na napapanatili ang kahulugan kapag tiningnan mula sa ibang direksyon o perspective. Sa partikular, pareho ang basa sa isang rotational ambigram kapag tiningnan nang pabaligtad, habang ang mirror o bilateral ambigram ay pareho ang basa nang pabalik at pasulong.
Ang isa pang uri ng word ambigram ay iyong nagkakaroon ng bagong mensahe kapag ni-rotate. Umabot na sa popular na kultura ang ilang design ng ambigram. Ang isang design ay nababasang “love” kapag tiningnan sa isang paraan, at “life” kapag tiningnan sa ibang paraan. May isa pang nagsasabing “saint” at “sinner.”
Paano gumawa ng sarili mong ambigram.
Ang matagumpay na ambigram ay isang ambigram na nakakatugon sa dalawang pamantayan. Una, kailangang nababasa ito. Kung nawala ang mensahe o mahirap itong maunawaan, hindi gagana ang ambigram mo. Pangalawa, kailangang may dahilan sa likod nito. Bakit mo ginagawa ang ambigram na ito, at anong mensahe ang ipinaparating mo? Epektibo ang ambigram na life at love dahil sa nakukuha nitong duality.
Ang paggawa ng mga ambigram ay tungkol sa paglabas sa comfort zone mo bilang designer para lumutas ng visual puzzle. Bagama't posibleng mahirap itong proyekto sa design, ilang hakbang lang ang kailangan para magsimula.
1. Magsimula sa pamamagitan ng pagtukoy sa mensahe mo.
Ano ang sasabihin ng ambigram mo? Isa man itong parirala o simpleng salita, alamin ang mga limitasyon ng mga ambigram. Ang ilang titik ay hindi pwedeng gawing ibang titik, at ang maiikling salita ay hindi pwedeng bigla na lang maging mahahabang pangungusap kapag binaligtad.
2. Magsaliksik ng iba't ibang font at iconography.
“Sa pamamagitan ng pagtingin sa mga motif at style ng design mula sa iba't ibang kultura, makakabuo ka ng iyong hanay ng reference,” paliwanag ng artist at designer na si Arnold Pander. Ang pag-unawa sa mga flourish at serif (alamin ang tungkol sa mga termino sa typography) na ginagamit sa mga medieval o gothic na font ay pwedeng magbigay sa iyo ng mas maraming tool na magagamit kapag nagde-design at nagwa-warp ng mga titik para sa iyong design ng ambigram. Kung kailangan mo ng pagsisimulan, subukang i-explore ang Adobe Fonts — baka makita mo ang inspirasyong hinahanap mo.
3. Magsimulang mag-sketch.
Mga word puzzle ang mga ambigram, kaya palawakin ang isipan mo sa pamamagitan ng pag-sketch ng iyong salita nang ilang beses. Tingnan kung saan nagtutugma ang mga titik at pag-eksperimentuhan ang mga hugis. “Maraming layer sa mga ambigram na ginagawa itong epektibo, pero kung hindi ito epektibo, halatang-halata ito,” ayon sa lettering artist na si Robin Casey. Nag-iiba ang kerning at spacing ng mga titik depende sa kung aling direksyon ito binabasa, kaya tandaan iyon kapag nagse-sketch ng iyong mga hugis. Likas na mahirap i-design ang mga ambigram — huwag masiraan ng loob sa unang draft mo. Kung hindi epektibo ang isang design, subukang gawing reference ang ibang font o gawin itong malalaking titik lahat. May mga tool ang Adobe para tulungan kang mag-design ng mga sarili mong font.
4. Gawing perpekto ang design mo.
Kapag mayroon kang epektibong design, gawin itong pormal gamit ang Adobe Illustrator. Kung nag-sketch ka sa papel, i-scan o kunan ng larawan ang design mo at gumawa ng vector na bersyon nito. Maging pamilyar sa kung paano mag-rotate at mag-reflect ng mga object sa Illustrator para ma-flip at ma-finalize mo ang mga titik mo. Bukod pa rito, sundin ang tutorial sa logo na ito para matuto kung paano pagandahin ang anumang design, kabilang ang ambigram mo.
Pag-explore sa lahat ng detalye ng mga ambigram.
Ang mga ambigram ay unang tinukoy ni Douglas R. Hofstadter, na inilarawan ang mga ito bilang mga calligraphic na design na nagagawang magsiksik ng dalawang magkaibang pagbasa. Mula noon ay pinasikat na ang mga ito sa popular na kultura ng may-akdang si Dan Brown sa kanyang mga nobela at ng artist na si John Langdon. Itinatampok ang style ng design sa plot ng The Da Vinci Code ni Brown, at may isang pinalamutian ang cover ng kanyang librong Angels and Demons. Sa katunayan, ipinangalan ni Brown ang kanyang pangunahing tauhan sa artist na si Langdon, na tumulong na isulong ang pag-unlad ng mga design ng ambigram. Bukod sa mga sikat na cover ng libro, madalas mong makikita ang mga ambigram bilang mga design ng logo o tattoo.
“[Sa mga ambigram] nagiging tunay na anyo ng art ang mga logo at graphic design, dahil kailangan mong paikutin ang isip mo at labagin o baluktutin ang mga panuntunan.”
Tinatawag ni Pander na branding palindrome ang mga ambigram, “kung saan nagiging tunay na anyo ng art ang mga logo at graphic design, dahil kailangan mong paikutin ang isip mo at labagin o baluktutin ang mga panuntunan para maging epektibo ito.” Posibleng gusto ng mga brand ng mga ambigram na logo dahil makakapagtago sila ng pangalawang kahulugan o makakapagparating sila ng mensaheng higit sa isang simpleng pangalan ng brand. Madali ring matandaan ang mga ambigram na logo at makakatulong ang mga ito sa mga kumpanya na mamukod-tangi sa kakumpitensya nila.
Bilang mga optical illusion, ang mga ambigram ay mga sikat na design para sa mga tattoo. Kung naghahanap ka ng inspirasyon para sa iyong ambigram na tattoo, huwag matakot na gawing reference ang mga ambigram generator gaya ng FlipScript.com. Ang mga program na ito ay pwedeng magbigay-inspirasyon sa bagong kumbinasyon ng mga titik o tulungan kang lumutas ng mga problema sa design na lumilitaw kapag niro-rotate o fini-flip ang mga titik nang pabaligtad.
Handa ka na ngayong sumubok ng sarili mong design ng ambigram. Kapag ginawa itong makahulugan at nababasa, makakagawa ito ng lahat ng kaibahan sa mundo. Kailangan ng higit pang inspirasyon bago ka magsimula? Tingnan ang Behance at silipin kung ano ang ginagawa ng iba pang artist.
https://main--cc--adobecom.hlx.page/cc-shared/fragments/seo-articles/do-more-illustrator-color-blade